Tag-ulan na naman…
Sa pinagtagpi-tagping tahanan nagkumpol-kumpol
Pira-pirasong karton, yero, lata at iba pang basurang itinapon
Maliit na espasyong animo’y humahagulgol
Mga patak ng ulan, umaagos, dumadaloy.
Si bunsong tangan ni ina sa kanyang kanlungan
Pilit sumiksik upang maibsan ang ginaw sa katawan
Dito lang ako’t di kita iiwan marahang na bulong ni ina
Tahan na, tahan na, ang ula’y titila na.
Dapit hapon na ng si ama’y dumating
Bitbit ang mumunting sisidlan biyayang kanilang
pagsasaluhan
Pagal na katawan sa maghapong pangangalakal
Napawi ng lahat ng mga supling ay kanyang nasilayan.
Tag-ulan na naman…
Magarang tahanan animo’y palasyo
Mamahaling kagamitan lahat dito’y kumpleto
Maaliwalas na paligid sya nga namang kay ganda
Yari sa bato, marmol at konkreto.
Sa malawak na silid nagkukubli’t nag-iisa
Nanginginig sa takot sa kada hataw ng kulog at kidlat
Si bunso nama’y tuloy-tuloy ang paghagulgol di matigil sa
pag-iyak
Dadating pa ba’t hating gabi na wala pa si ina at ama?
Bitbit ay alak ng si ama’y dumating
Di man lang sumilip sa mga supling na naghihintay
At si ina’y langgo sa piging na kanyang pinaghandaan
Mga supling nila’y tila nakaligtaan na’t napabayaan.
Tag-ulan na naman….
