Thursday, 1 October 2009

LIWANAG

Posted by iya_khin at 00:00

Sa pagsapit ng takip-silip
Mga mata’y nakatingin sa kawalan
Nagbabadyang pagsapit ng gabi
Nananatiling nakaupo’t nakamasid.

Ang inaakalang lumbay sa gabi
Nasa dilim ang sugat at paghikbi ay maikukubli
Ngunit sa munting liwanag at hiwaga’y naaninag
Katotohanang di nagiisa tumambad sa aking pangungulila.

Sa himpapawid ako’y napatingala
Papalubog na araw sadyang kay tingkad sa aking mga mata
Kulay dilaw at abo sa paningin ay kay ganda
Sa paglubog nito’y bukas ay may hatid na pag-asa.

Buhay, sadya nga itong makulay
Sa bawat pinta may iba’t ibang tema
Kalawakang akala mong kay dilim
Tingnan mabuti’t bituin ay sadyang kay ganda’t nagniningning.

Dati’y puno ng takot at pagkahabag
Sa sariling mundo pilit giniit ang sarili
Naging manhid sa pag-mamahal ng iba
Kinulong ang sarili tanging isip ay katapusan ko na.

Sa gitna ng dilim ay nakaaninag ng munting liwanag
Liwanag na kay liit ngunit sadyang nakakahalina
Ngayo’y pilit na inaabot ng sa kadiliman makawala
Pag-asa sa munting liwanag ngayo’y kalayaan makakamtan ko na.

0 comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails
 

when she cries.... Template by Ipietoon Blogger Template | Gadget Review